Isinusulong ng pamahalaang lungsod ng Santiago ang isang panukalang ordinansa na naglalayong maprotektahan ang mga pedestrian footbridge at iba pang pampublikong imprastraktura laban sa mga paglabag na maaaring magdulot ng panganib sa publiko at pinsala sa mga pasilidad ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. James Santiago, City Legal Officer, sinabi niyang sa ilalim ng Santiago City Road and Public Infrastructure Protection Ordinance of 2026, ipagbabawal ang paggamit ng mga pedestrian footbridge ng mga motorsiklo, bisikleta, electric bicycle, electric scooter at iba pang katulad na sasakyang may gulong.
Saklaw din ng panukala ang pagbabawal sa pagdaan ng mga sasakyan, kagamitan at kargamentong lumalampas sa itinakdang height at dimensional restrictions, gayundin ang pagsira, pagtanggal o pakikialam sa mga traffic barrier, restriction devices at iba pang traffic control measures ng lungsod.
Aniya, tugon ang panukala sa dumaraming insidente ng ilegal na paggamit ng mga footbridge at paglabag sa mga itinakdang limitasyon sa ilang kalsada at tulay na maaaring makompromiso ang kaligtasan ng mga pedestrian at magdulot ng pagkasira sa mga pampublikong imprastraktura.
Dagdag pa niya, layunin ng ordinansa na mapanatili ang integridad at mahabang serbisyo ng mga pasilidad ng lungsod, maiwasan ang hindi kinakailangang gastos ng pamahalaan sa pagkukumpuni at rehabilitasyon, at higit sa lahat ay mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko.
Binigyang-diin din ni Atty. Santiago na seryoso ang pamahalaang lungsod sa pagpapatupad ng ordinansa kaya nakapaloob sa panukala ang P5,000 nakapirming multa sa bawat paglabag bilang babala sa sinumang hindi susunod sa mga itinakdang regulasyon.
Samantala, sa pagdinig ng panukalang ordinansa, inusisa ni Punong Barangay Eduardo Dacanay ng Barangay Baluarte ang magiging sistema ng pagpapatupad nito, partikular kung kinakailangan pang idaan sa Department of Public Order and Safety (DPOS) ang lahat ng ulat ng mga barangay tanod bago makapag-isyu ng citation ticket.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng malinaw at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng ordinansa upang matiyak ang pagiging epektibo nito sa mga barangay.
Bilang tugon, sinabi ni Atty. James Santiago na pinag-aaralan ng pamahalaang lungsod ang posibilidad na bigyan ng limitadong kapangyarihan ang mga barangay tanod sa pagpapatupad ng ordinansa. Gayunman, iginiit niyang dapat itong manatiling naaayon sa umiiral na mga batas at alinsunod sa itinakdang saklaw ng kanilang awtoridad.







