--Ads--

Kinumpirma ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na nasawi ang isang 17-anyos na Pilipino matapos itong mahulog mula sa isang tulay sa Peng Chau noong gabi ng Hunyo 26.

Sa inilabas na pahayag ng konsulado noong Linggo, sinabi nitong nakatanggap sila ng opisyal na abiso mula sa pulisya ng Hong Kong kaugnay ng insidente.

Ayon sa ulat, nahulog ang binatilyo mula sa Chau Tsai Bridge sa Peng Chau at agad na isinugod sa Pamela Youde Nethersole Hospital sa pamamagitan ng Hong Kong Government Flying Service. Gayunman, idineklara itong patay makalipas ang ilang sandali.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Hong Kong Police, wala umanong nakikitang kahina-hinalang pangyayari o ebidensiya ng foul play na may kaugnayan sa pagkamatay ng kabataan.

--Ads--

Samantala, tiniyak ng Philippine Consulate General na magbibigay ito ng kinakailangang tulong at suporta sa naiwang pamilya ng biktima.

Nagpahayag din ang konsulado ng kanilang pakikiramay sa pamilya ng nasawing menor de edad.

Kasabay nito, hiniling ng konsulado sa publiko na igalang ang pribasiya ng pamilya sa panahong ito ng kanilang pagluluksa at umiwas sa pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon o haka-haka tungkol sa insidente.

Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad sa Hong Kong ang kanilang pagsusuri kaugnay ng pangyayari.