--Ads--

Sinalakay ng mga awtoridad ang umano’y iligal na operasyon ng online sabong o E-Sabong sa bayan ng Maddela, Quirino, na nagresulta sa pagkakaaresto ng limang indibidwal at pagkakasamsam ng iba’t ibang kagamitang ginagamit sa online betting.

‎Isinagawa ang anti-illegal gambling operation sa isang cockpit arena sa Barangay Villa Hermosa Norte, Maddela, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na sugal.

‎Ayon sa pulisya, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y iligal na online betting activities sa naturang lugar.

‎Bago isinagawa ang pagsalakay, nagsagawa muna ng validation ang mga operatiba upang tiyakin ang katumpakan ng natanggap na ulat.

‎Sa operasyon, nakumpiska ang online betting machine, CCTV system, Starlink internet equipment, at iba pang electronic devices na pinaniniwalaang ginagamit sa pagpapatakbo ng online betting operation.

‎Nahaharap ang limang suspek, na pawang residente ng Quirino, sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 o Illegal Gambling.

‎Ayon sa pulisya, nagpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa lahat ng uri ng ilegal na sugal upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.