--Ads--

Hindi bababa sa siyam na Buddhist monk ang nasawi matapos silang mabangga ng isang pickup truck na minamaneho ng isang 11-taong-gulang na batang lalaki habang nagsasagawa ng prusisyon sa hilagang-silangang bahagi ng Thailand noong Huwebes.

Batay sa kuha ng CCTV na ibinahagi ng isang lokal na rescue group, makikitang naglalakad ang mga monghe na nakasuot ng kulay kahel na kasuotan nang bigla silang araruhin ng sasakyan. Naganap ang insidente ilang minuto bago mag-alas-11 ng umaga sa bayan ng Mukdahan, na matatagpuan humigit-kumulang 650 kilometro mula sa kabiserang Bangkok.

Ayon kay Mukdahan Governor Vorayan Bunarat, binubuo ng 34 na Buddhist monk at limang lay followers ang grupong nagsasagawa ng pilgrimage o banal na paglalakbay mula sa isang templo sa lalawigan patungo sa isa pang templo sa karatig na Ubon Ratchathani.

Makikita rin sa mga larawan mula sa pinangyarihan ang mga sugatan na nakahandusay sa kalsada at ang mga gamit ng mga monghe na nagkalat matapos ang banggaan.

--Ads--

Sinabi ni Bunarat na lima sa mga monghe ang idineklarang patay sa lugar ng insidente habang tatlo pa ang namatay sa ospital. Kalaunan, kinumpirma ng tanggapan ng lalawigan ang pagkamatay ng ika-siyam na monghe. Hindi bababa sa tatlo pang iba ang kritikal.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na kinuha umano ng bata ang pickup truck ng kanyang mga magulang nang walang pahintulot. Nakapagmaneho siya ng tinatayang 10 kilometro bago mawalan ng kontrol sa sasakyan at sumalpok sa prusisyon ng mga monghe.

Ayon kay Provincial Police Chief Maj. Gen. Pairoj Thaiphutra, wala pang isinampang kaso habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari sa aksidente.

Hindi pa rin aniya nakukuhanan ng pahayag ang bata dahil nasa matinding estado pa ito ng pagkabigla matapos ang insidente.

Kilala ang Thailand sa pagkakaroon ng mataas na bilang ng mga aksidente sa kalsada. Kabilang sa mga pangunahing dahilan nito ang sobrang bilis ng pagpapatakbo ng sasakyan, pagmamaneho nang lasing, at kakulangan sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko.

Nanawagan naman si Governor Bunarat sa publiko na gawing aral ang trahedya.

Idinagdag pa niya na mahalagang makiisa ang lahat, lalo na ang mga magulang, upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap.