--Ads--

Nanawagan ng suporta sa Pamahalaan ang Sandiat San Manuel Irrigators Association upang matulungan ang mga magsasaka na labis nang naapektuhan ng tagtuyot.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Irrigators Association President Guillermo “Danny” Ignacio Sr., sinabi niya na ilan sa mga sakahang natamnan na ay nagkabitak-bitak na ang lupa at tinubuan na rin ng mga damo dahil sa kawalan ng tubig kaya ang ilan ay gumagamit na ng deep-well upang maisalba ang kanilang pananim.

Sa bahagi ng Sandiat, aabot ng mahigit kumulang dalawang hektaryang palayan na ang tuluyang natuyot. Batay sa pagtaya, aabot ng ₱40,000 hanggang ₱50,000 ang lugi ng mga magsasaka sa bawat hektarya.

Aniya, mayroon pa rin naman tubig sa kanilang mga irigasyon na nagmumula sa Magat Dam at Siffu Dam subalit hindi pa rin ito sapat dahil maging ang mga nabanggit na dam ay halos wala na ring maisuplay na tubig para sa mga sakahan.

--Ads--

Gayunman, nagkakaroon din umano ng problema sa scheduling ng patubig dahilan kaya’t marami ang hindi naabot ang patubig.

Nanawagan naman si Ignacio sa mga magsasaka na magbigayan sa patubig at huwag mag-away-away dahil dito.