--Ads--

Patay na nang matagpuan ang isang lalaking cellphone technician sa loob ng kanyang silid sa Purok 5, Barangay Maligaya, Cauayan City, Isabela, matapos umanong magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kanyang live-in partner bago ang insidente.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na 30-anyos, residente ng naturang barangay at tubong Luna East, Rizal, Kalinga

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Raymart Mallillin ng Barangay Maligaya, sinabi nitong bago ang insidente ay nakipag-inuman ang biktima sa kanyang bayaw at isa pang kamag-anak.

Ayon kay Mallillin, habang nag-iinuman ay napansin umano ng mga kasama nito ang mainit nitong pagtatalo sa kanyang live-in partner sa pamamagitan ng cellphone, na may kaugnayan umano sa madalas nitong pag-inom ng alak.

--Ads--

Matapos ang inuman ay umuwi ang lalaki at pumasok na sa kanyang silid. Kinabukasan, sinubukan umano siyang tawagin ng kanyang biyenan upang isama sa paghatid ng kanilang mga pa- order na tupig ngunit hindi ito sumasagot at nanatiling nakakandado ang pinto ng kanyang kuwarto.

Dahil dito, sinilip ng kanyang mga kasama ang loob ng silid kung saan tumambad ang lalaki na wala nang buhay. Agad namang ipinaalam sa mga awtoridad ang insidente at nagsagawa ng imbestigasyon.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, natagpuan sa lugar ang isang dilaw na nylon rope at isang monoblock chair na pinaniniwalaang may kaugnayan sa insidente.

Samantala, nagsagawa ng imbestigasyon ang mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente upang matukoy ang kabuuang pangyayari, habang dinala rin ang labi nito sa pagamutan para sa kaukulang pagsusuri.