--Ads--

Inamin ng National Bureau of Investigation (NBI) na wala itong nakuhang beripikado o kumpirmadong impormasyon na maaaring magamit upang matukoy at usigin ang umano’y hitman na sinasabing kinontrata ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ito ang naging pahayag ni NBI BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa ikaapat na araw ng impeachment trial laban kay Vice President Duterte nang tanungin kung nagpatuloy ba ang NBI sa imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng umano’y contract killer.

Ayon kay Lotoc, sinubukan ng NBI na mangalap ng impormasyon mula sa mga taong maaaring may personal na kaalaman kaugnay ng mga pahayag na binitiwan ng Bise Presidente sa isang online press conference noong Nobyembre 23, 2024.

Gayunman, sinabi niyang wala silang naitatag na beripikado at kumpirmadong impormasyon hinggil sa sinasabing hitman.

--Ads--

Dagdag pa niya, hanggang sa kasalukuyan ay naghihintay pa rin ang NBI ng mga impormasyong maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon.

Sa pagtatanong naman ni Senator Bam Aquino kung seryoso bang tinrato ng NBI ang mga pahayag ng Bise Presidente tungkol sa umano’y pagpatay kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Romualdez, sinabi ni Lotoc na agad nila itong binigyang-pansin.

Ayon sa opisyal ng NBI, hindi biro ang naturang pahayag lalo pa’t nagmula ito sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa at binigkas umano sa gitna ng matinding galit.

Sa isa pang bahagi ng pagdinig, sinabi rin ni Lotoc na naniniwala ang NBI na posibleng may nakausap na si Duterte kaugnay ng umano’y banta bago pa isinagawa ang online press conference noong Nobyembre 2024.

Samantala, mariing itinanggi naman ng kampo ng Bise Presidente ang alegasyong may kinontrata itong hitman.

Ayon kay defense counsel Atty. Mark Vinluan, maghahain sila ng mga ebidensya upang pabulaanan ang naturang alegasyon sa tamang pagkakataon.

Sinabi rin ni Lotoc na wala siyang nalalamang nakasulat na ulat mula sa NBI Intelligence Service kaugnay ng umano’y mga banta laban kay Vice President Duterte at sa kanyang pamilya.

Dagdag pa niya, dahil walang nakitang beripikadong impormasyon ang NBI hinggil sa umano’y mga banta laban sa Bise Presidente, wala rin silang nailabas na rekomendasyon kaugnay sa naturang alegasyon.