Sampung bangkay na ang narekober ng mga awtoridad matapos tumaob ang isang pampasaherong ferry sa karagatan ng Guyana noong weekend habang nagpapatuloy ang malawakang search and rescue operation para sa mga nawawalang pasahero.
Ayon sa pamahalaan ng Guyana, may kabuuang 133 katao ang sakay ng MV Barima nang ito ay tumaob noong Sabado ng gabi habang bumibiyahe mula sa kabisera na Georgetown patungong Port Kaituma sa hilagang-kanlurang bahagi ng bansa.
Nailigtas naman noong Linggo ang 67 katao, kabilang ang 15 bata, ngunit marami pa rin ang hindi pa natatagpuan kaya pinalawak ng mga rescue team ang kanilang operasyon sa mahigit 1,040 square kilometers na lugar sa dagat. Tumulong din sa paghahanap ang mga pribadong sasakyang pandagat mula sa sektor ng enerhiya at mga diver.
Una nang sinabi ng mga awtoridad na posibleng nakadagdag sa trahedya ang hindi tumpak na passenger manifest ng barko at ang hinihinalang paggamit ng ipinagbabawal na gamot ng ilang tripulante.
Sa isinagawang pagsusuri, nagpositibo umano sa marijuana ang kapitan ng barko at isa pang crew member kaya kasalukuyan silang nasa kustodiya ng pulisya habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Samantala, iniutos ni Guyana Prime Minister Mark Phillips ang masusing pagsisiyasat sa posibleng pagkukulang ng mga kinauukulang ahensya at mga tauhan na may kaugnayan sa insidente.
Binigyang-diin ni Phillips na mananagot sa ilalim ng batas ang sinumang mapatutunayang nagpabaya o sangkot sa anumang uri ng misconduct na naging sanhi ng trahedya.





