--Ads--

Nanganganib na maharap sa kasong administratibo ang SK chairman ng Barangay San Francisco, Cauayan City matapos umanong hindi maibigay ang tatlong buwang honoraria ng kaniyang mga SK kagawad at amining nagamit ang naturang pondo para sa personal niyang pagpapagamot.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Eleazar Paulo Mico Delmendo, sinabi nitong tinalakay sa isinagawang committee hearing ang reklamong inihain laban sa SK chairman dahil hindi umano nito naibigay ang honorarium ng mga SK officials para sa buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto.

Ayon kay Delmendo, dumalo sa pagdinig ang SK chairman, SK treasurer, mga SK kagawad, at ilang miyembro ng Katipunan ng Kabataan.

Sa naturang pagdinig, inamin ng SK chairman na nagamit niya ang pondo para sa kanyang pagpapagamot at pagpapatingin dahil sa nararanasan niyang kondisyon sa kalusugan.

--Ads--

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang mga SK kagawad sa nangyari. Anila, kung humingi lamang sana ng tulong ang kanilang chairman ay handa silang magpahiram ng kanilang honorarium, sa halip na gamitin ito nang walang kanilang kaalaman.

Ipinaliwanag din ni Delmendo na naging bahagi rin ng usapin ang SK treasurer dahil pareho silang signatory ng SK chairman sa pag-withdraw ng pondo. Bagama’t iginiit ng treasurer na siya lamang ang nag-withdraw at ibinigay ang pera sa chairman, sinabi ng opisyal na maaari pa rin itong magkaroon ng pananagutan.

Ayon kay SP Delmendo, posibleng maharap sa kasong administratibo ang SK chairman at SK treasurer na maaaring magresulta sa kanilang pagtanggal sa serbisyo at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Gayunman, sa isinagawang committee hearing ay nangako umano ang SK chairman na magbabayad ng humigit-kumulang ₱32,000, katumbas ng tatlong buwang honorarium ng mga SK kagawad, at nakatakdang isauli ang naturang halaga bago matapos ang linggo. Nagpahayag din umano ang chairman at treasurer ng intensyong magbitiw sa kanilang mga posisyon.

Hindi naman maiwasang malungkot ng nasabing opisyal sa insidente dahil sa antas pa lamang ng SK ay may mga naitatalang ganitong uri ng paglabag sa tiwala ng publiko.

Dahil dito, nanawagan siya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa lokal na pamahalaan ng Cauayan City na magsagawa ng mas malawak na pagsasanay at orientation para sa lahat ng SK officials upang higit nilang maunawaan ang kanilang mga tungkulin, tamang pamamahala sa pondo, at wastong pagsasagawa ng mga sesyon.

Sa huli, hinimok ni Delmendo ang lahat ng SK officials na pangalagaan ang tiwalang ibinigay sa kanila ng kanilang kapwa kabataan at tiyaking magagamit nang maayos at naaayon sa batas ang pondong inilaan para sa kapakanan ng mga kabataan sa kanilang mga barangay.