--Ads--

Halos lahat ng Grade 12 students na kumuha ng 2024 National Achievement Test (NAT) ay hindi umabot sa itinakdang proficiency level, ayon sa ulat ng Philippine Business for Education o PBEd.

Batay sa datos ng Department of Education na binanggit sa 2026 State of Philippine Education Report, tanging 0.47% lamang ng mga examinee ang nakapagtala ng proficient o highly proficient na marka, habang 99.53% ang nanatiling mababa sa pamantayang ito.

Ayon sa PBEd, karamihan sa mga mag-aaral ay nasa low emerging at high emerging levels, na nagpapakita ng patuloy na learning gaps sa kabila ng mga repormang ipinatupad sa sektor ng edukasyon.

Binigyang-diin ni PBEd Chairman Ramon del Rosario Jr. na kailangang pabilisin ang mga reporma sa edukasyon dahil bawat mag-aaral ay iisang pagkakataon lamang upang makumpleto ang bawat antas ng pag-aaral nang may sapat na kaalaman at kasanayan.

--Ads--

Nanawagan din ang grupo sa pamahalaan, mga guro, local government units, at pribadong sektor na magtulungan upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga reporma at mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.