--Ads--

Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat direktang maramdaman ng mga manggagawang Pilipino ang benepisyo ng paglago ng ekonomiya ng bansa matapos opisyal na kilalanin ng World Bank ang Pilipinas bilang isang upper-middle-income country.

Ayon kay Go, tila kabalintunaan na sa kabila ng pag-angat ng ekonomiya, mahigit kalahati pa rin ng mga pamilyang Pilipino o tinatayang 14.5 milyong pamilya ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap batay sa mga isinagawang pag-aaral.

Dahil dito, sinabi ng senador na dapat magbunga ang naturang pagkilala ng mas maraming oportunidad sa trabaho at mas maayos na sahod upang matugunan ng mga Pilipino ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Binigyang-diin din niya ang patuloy na paghihirap ng mga minimum wage earner dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na pinalalala ng pagmahal ng produktong petrolyo.

--Ads--

Kaugnay nito, muling kinondena ni Go ang Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Pasig City Regional Trial Court laban sa ipinatutupad sanang P85 na arawang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Nanawagan ang senador sa korte na isaalang-alang ang probisyon ng Article 126 ng Labor Code na nagsasaad na walang korte, tribunal, o ahensya ang maaaring maglabas ng TRO laban sa mga proseso ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB).

Iginiit din ni Go na mas mababa pa ang P85 wage hike kumpara sa kanyang isinusulong na P100 na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa.

Dahil dito, nanawagan siya sa Kongreso na agarang aprubahan ang panukalang nationwide P100 wage increase upang makatulong sa mga manggagawang patuloy na nahaharap sa mataas na gastusin sa pamumuhay.