Dalawang hinihinalang street-level individual (SLI) ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela nitong Agosto 10 matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱3,400.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Boy,” 34-anyos, seaman, at “Tony,” 19-anyos, helper, na kapwa residente ng Angadanan, Isabela.
Sa ulat ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), dakong alas-12:41 ng tanghali nang magsagawa ng joint anti-illegal drug operation ang City Drug Enforcement Unit ng Cauayan City Component Police Station katuwang ang RMU2, PDEA Isabela, PDEU, at RIU2-PIT Isabela sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 2.
Naaresto ang dalawang suspek matapos umanong magbenta ng isang plastic sachet na naglalaman ng dalawang maliliit na sachet ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Nakumpiska sa operasyon ang hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 0.52 gramo at tinatayang Standard Drug Price na ₱3,400.
Bukod dito, narekober din ang buy-bust money, boodle money, isang cellular phone, drug paraphernalia, isang Mitsubishi Mirage, mga walang lamang plastic sachet, at iba pang ebidensya.
Isinagawa ang pagmamarka, pagkuha ng larawan, at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinatawan ng National Prosecution Service, media, at barangay.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 12, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











