--Ads--

Umabot na sa P1.03 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dulot ng Bagyong Luis, Bagyong Maymay, at habagat, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Batay sa pinakahuling datos ng ahensya, nasa 25,662 ektarya ng sakahang lupain ang naapektuhan sa mga rehiyon ng Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas.

Tinatayang 30,073 magsasaka ang apektado ng kalamidad, habang umabot sa 25,280 metriko tonelada ang nawalang produksyon sa agrikultura.

Pinakamalaki ang naitalang pinsala sa palay na nagkakahalaga ng P589.44 milyon, kasunod ang high-value crops na P313.07 milyon at mais na P46.24 milyon.

--Ads--

Napinsala rin ang ilang irrigation facilities, farm structures, livestock, fishery resources, at iba pang pasilidad na may kaugnayan sa agrikultura.

Bilang ayuda, naghanda na ang DA ng P177.67 milyong halaga ng agricultural inputs, kabilang ang mga binhi ng palay, mais, at gulay para sa mga apektadong magsasaka.

Maaari rin umanong makautang ang mga kwalipikadong magsasaka ng hanggang P25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program upang makatulong sa kanilang pagbangon.