Inihayag ng dating Special Disbursing Officer ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta na inilabas niya ang kabuuang P500 milyong confidential funds ng tanggapan noong 2022 at 2023 kay Col. Raymund Lachica batay umano sa utos ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Duterte, kinumpirma ni Acosta na ang P125 milyong confidential fund noong 2022 at P375 milyon noong 2023 ay kanyang ibinigay kay Lachica, na noo’y security officer ng OVP.
Ayon kay Acosta, si Lachica ang may kaalaman kung paano ipatutupad ang mga programang may kaugnayan sa confidential activities ng tanggapan kaya ito ang pinagkatiwalaan sa paggamit ng pondo.
Gayunman, inamin niya na hindi nakasaad sa Joint Circular 2015-01 na tungkulin ng security officer ang pagdisburse o paggastos ng confidential funds dahil ito ay responsibilidad ng Special Disbursing Officer.
Ipinaliwanag ni Acosta na matapos niyang ilabas ang pondo kay Lachica ay nagsusumite naman umano ito ng utilization report bilang bahagi ng liquidation process.
Sa pagdinig, kinuwestiyon ng prosekusyon kung bakit inilabas ang pondo sa security officer sa kabila ng umiiral na mga patakaran. Iginiit naman ni Acosta na ginawa niya ito dahil si Lachica ang itinalagang security officer ng OVP at alinsunod umano sa direktiba ni Vice President Duterte.










