Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na balikan ang mga aral ng kasaysayan at patuloy na pangalagaan ang demokrasya, kalayaan at pagkakaisa ng bansa sa paggunita sa Ninoy Aquino Day ngayong Biyernes.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na nagsisilbing paalala si dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa tapang ng mga Pilipinong naninindigan sa kanilang mga paniniwala at nakikibahagi sa pagsusulong ng demokrasya.
Ayon kay Marcos, kabilang sa mga hamon sa demokrasya ang disinformation, pagkakahati-hati, kawalan ng tiwala at kawalang-interes ng mamamayan sa mga usaping panlipunan.
Binigyang-diin niya na mananatiling nakatuon ang kanyang administrasyon sa pagprotekta sa soberanya, pagpapatupad ng batas at pagtataguyod ng kalayaan.
Si Ninoy Aquino, isang kritiko ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ay pinaslang noong Agosto 21, 1983 sa noo’y Manila International Airport na ngayon ay ipinangalan sa kanya.







