Pormal nang inihain sa House of Representatives ang P7.2-trilyong General Appropriations Bill o GAB para sa 2027, ang pinakamalaking panukalang pambansang budget sa kasaysayan ng bansa.
Inihain ni House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing ang House Bill No. 10858 nitong Agosto 26.
Nakabatay ang panukala sa P7.2-trilyong National Expenditure Program o NEP na isinumite ng DBM sa Kongreso noong Agosto 11.
Pinakamalaki ang alokasyon para sa Department of Education na P976 bilyon, habang P644 bilyon naman para sa DPWH at P353.8 bilyon para sa health sector.
Kabilang din sa malalaking alokasyon ang P332.5 bilyon para sa DILG, P328.8 bilyon para sa Department of National Defense, P302.2 bilyon para sa transport sector at P261.7 bilyon para sa agriculture sector.
Patuloy na sinusuri ng House Committee on Appropriations ang budget ng bawat ahensya bago dalhin ang GAB sa plenaryo.
Target ng Kamara na maipasa ang panukala sa third at final reading sa loob ng 53-araw na timetable bago ito dumaan sa Senado at isumite sa Pangulo para sa paglagda.











