Mahigit dalawang taon umanong nakipaglaban sa stage 4 lung cancer si Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” Cua bago ito pumanaw noong Setyembre 15 sa edad na 48.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Junie Isagani “Jay” E. Cua Jr., kapatid ng gobernador, sinabi nito na hindi isinapubliko ng kanilang pamilya ang kalagayan ni Gov. Cua kaya marami ang nabigla sa balita ng kanyang pagpanaw.
Ayon kay Jay Cua, sa kabila ng kanyang karamdaman ay pinili ng gobernador na ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod at muling tumakbo bilang gobernador ng Quirino.
Aniya, bilang panganay sa limang magkakapatid, nagsilbing haligi ng kanilang pamilya si Gov. Cua at naging inspirasyon sa kanila sa larangan ng paglilingkod publiko.
Samantala, bibigyan ng huling pagpupugay si Gov. Cua sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bukas, Setyembre 21.
Magkakaroon ng necrological service sa Kamara bilang pagkilala sa kanyang naging serbisyo bilang kongresista ng Quirino mula 2010 hanggang 2019 bago muling mahalal bilang gobernador noong 2019.
Kabilang sa kanyang mga naging ambag bilang mambabatas ang Free Internet Access in Public Places Act at TRAIN Law, gayundin ang pagiging co-author ng Philippine Competition Act, Iskolar ng Bayan Act at Ladderized Education Act.
Naulila niya ang kanyang asawang si Quirino Rep. Midy Cua, kanilang mga anak at iba pang miyembro ng kanilang pamilya.











