Nagsampa ng kaso si Miss Jamaica 2025 Gabrielle Henry laban sa Miss Universe Organization kaugnay ng pagkahulog niya sa entablado habang rehearsal para sa Miss Universe 2025 sa Thailand.
Ayon sa ulat, inakusahan ni Henry ang organisasyon ng kapabayaan matapos umano siyang mahulog nang halos limang talampakan sa isang hindi namarkahan at bukas na bahagi ng stage noong Nobyembre 19, 2025.
Nagtamo siya umano ng traumatic brain injury at ilang pagdurugo sa utak at naospital hanggang Disyembre 10.
Dahil sa kaniyang mga pinsala, napilitan din umano siyang ihinto ang medical residency at patuloy na sumasailalim sa rehabilitasyon.
Samantala, sinabi ng Miss Universe Organization na hindi pa nito natatanggap ang naturang kaso, bagama’t kinumpirma nitong sagot nito ang mga gastusin sa ospital ni Henry matapos ang insidente.








