Hinamon ni Senator-judge Panfilo Lacson si Senator-judge Robin Padilla na linawin kung sino ang tinutukoy nito sa pahayag na may “disregard for law” sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pahayag nitong Lunes, Oktubre 12, sinabi ni Lacson na kung ang buong impeachment court ang tinutukoy ni Padilla, maaaring ituring ang kaniyang mga pahayag na direktang pag-atake sa integridad ng naturang lupon.
Giit ni Lacson, kung ilang miyembro lamang ng impeachment court ang tinutukoy ni Padilla, marapat lamang na pangalanan niya ang mga ito.
Matatandaang nagpahiwatig si Padilla sa isang panayam sa radyo nitong Linggo na maaari silang lumiban sa mga susunod na pagdinig kasama ang kaniyang mga kaalyado kung magpapatuloy umano ang pagbalewala sa batas sa impeachment proceedings.
Nauna nang naghain sina Padilla, Senator Christopher “Bong” Go at ang PDP-Laban ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang pasya ng Senate impeachment court hinggil sa voting threshold sa paglilitis.











