--Ads--

Puspusan na ang paghahanda ng mga kandidata ng Queen Isabela 2027, na nakatakdang ganapin sa Enero 2027, habang sinisikap na maipakita ang kani-kanilang kakayahan at adbokasiya para sa kanilang mga komunidad.

Kabilang sa mga opisyal na kandidata si Cherry Lee Garlijo, Mutya ng Cauayan 2026, na nakatuon sa pagsasanay sa pasarela, question-and-answer portion at pagpapahusay ng communication skills. Bilang isang guro, isusulong niya ang inclusive at de-kalidad na edukasyon.

Samantala, handa namang harapin ni Nisha Gasmin Singh, pambato ng Roxas, Isabela at miyembro ng isang P-pop girl group, ang mga hamon sa kompetisyon. Kabilang sa kanyang paghahanda ang pagkain ng masustansiya, pagsasagawa ng Pilates at maayos na pamamahala sa oras. Youth empowerment o pagbibigay-kakayahan sa kabataan ang isa sa kanyang mga pangunahing adbokasiya.

Para naman kay Jyra Angelique Vilora, kinatawan ng San Isidro, Isabela, isang bagong karanasan ang pagsali sa pageant. Kasalukuyan niyang binubuo ang proyektong “Isabela Girls,” na layong palawakin pa sa mismong kompetisyon. Umaasa rin siyang maipakita ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa komunidad.

--Ads--

Public health advocacy naman ang pagtutuunan ni Alexis Rechel Miguel, pambato ng Jones, Isabela at bagong rehistradong nurse. Plano niyang makipagtulungan sa Rural Health Unit ng kanilang bayan upang magsagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa kalusugan ng publiko, habang pinaghahandaan ang iba pang bahagi ng kompetisyon.

Samantala, muling kakatawanin ni Lara Melissa Gafud ang Santiago City. Mas pagbubutihin niya ang kanyang pagsasanay sa pasarela at question-and-answer portion, kabilang ang pag-aaral sa mga lokal at pambansang isyu. Aminado siyang may pressure sa muling pagsabak, ngunit determinado siyang ipakita ang kanyang kakayahan nang may pagpapakumbaba at lakas ng loob.

Sa kabila ng kaba at pressure, binigyang-diin ng mga kandidata ang kahalagahan ng paghahanda, tiwala sa sarili at pagsusulong ng mga adbokasiyang makatutulong sa kanilang mga nasasakupan.

Hinikayat din nila ang kanilang mga kapwa kandidata na sulitin ang karanasan sa Queen Isabela 2027, matuto sa isa’t isa at gamitin ang kompetisyon bilang pagkakataong maipakita ang kanilang mga kakayahan at maiaambag sa lalawigan.