Inamin ng aktres at beauty queen na si Bianca Manalo na naging dahilan ng paghihiwalay nila ni Sen. Win Gatchalian ang matinding pagtutok ng senador sa kaniyang tungkulin at paglilingkod sa bayan.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Manalo na nauunawaan niya ang dedikasyon ng dating karelasyon sa trabaho, lalo’t kilala umano ito sa pagiging masipag at seryoso sa kaniyang mga responsibilidad.
Ipinagmamalaki rin ng aktres ang mga nagawa ni Gatchalian, dahil mas pinipili umano nitong ituon ang oras at lakas sa pagsasakripisyo at paglilingkod sa Pilipinas.
Sa kabila ng kanilang paghihiwalay, nananatiling maayos ang relasyon ng dalawa. Ayon kay Manalo, patuloy pa rin siyang nakikipag-ugnayan sa senador kapag nangangailangan ng tulong at nananatili rin ang suporta nito sa kaniya, kasama ang staff nito.
Sa ngayon, wala pa umanong planong pumasok muli sa isang relasyon si Manalo. Mas nakatuon muna siya sa kaniyang sarili at sa paggugol ng oras kasama ang kaniyang ina, mga pamangkin, at iba pang mahal sa buhay.






