Pinarangalan ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan ang isang Grade 6 pupil mula sa Barangay Turayong matapos makapag-uwi ng silver at bronze medals sa dalawang magkasunod na international competitions sa Vietnam at Singapore.
Kinilala ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan, sa pangunguna ni Vice Mayor Benjamin Dy, si Gray Anjeal Pineda Tactay dahil sa kaniyang kahanga-hangang tagumpay sa larangan ng Entomology at Food Science.
Isinagawa ang pagbibigay-parangal kasabay ng sesyon ng konseho sa Cauayan National High School sa Barangay Turayong nitong Huwebes, Nobyembre 12, 2026.
Matatandaang kinatawan ni Gray Anjeal ang Pilipinas sa dalawang magkasunod na international competitions ngayong taon, kung saan nakipagtagisan siya ng talino sa mga kabataang kalahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gray Anjeal, ibinahagi nitong naging masinsinan ang kaniyang paghahanda at labis siyang nagpapasalamat sa pagkakataong makalahok sa mga prestihiyosong kompetisyon.
Ayon naman sa kaniyang ina na si Ginang Yrrah Jean Tactay, tahimik lamang na nagsisikap ang kaniyang anak o “working in silence,” habang pinananatili ang matinding pokus at disiplina sa pag-aaral at pagsasanay.
Umaasa naman ang pamilya na magsisilbing inspirasyon sa iba pang kabataan ang tagumpay ni Gray Anjeal upang patuloy na paghusayan ang kanilang mga talento at kakayahan.






