Pumanaw nitong Biyernes, Nobyembre 20, ang dating PBA player na si Peter June “PJ” Simon sa edad na 46 matapos umanong makaranas ng medical emergency habang naglalaro ng basketball sa Mindanao.
Kinumpirma ng dati niyang koponan na Magnolia Hotshots ang kaniyang pagpanaw nitong Sabado ng madaling araw sa pamamagitan ng isang tribute sa social media.
Naglaro si Simon sa prangkisa ng Purefoods mula 2004 hanggang 2020 at nakamit ang walong kampeonato sa PBA, kabilang ang Grand Slam noong 2014 kasama ang San Mig Coffee Mixers.
Tinaguriang “The Scoring Apostle,” nakilala si Simon sa kaniyang mga clutch shot at husay sa midrange shooting.
Nag-anunsiyo siya ng pagreretiro noong 2020, habang noong Disyembre 2021 ay itinaas sa retirement ang kaniyang jersey number 8 ng Magnolia Hotshots, kasama ang dati niyang kakamping si Marc Pingris.
Matapos ang kaniyang karera sa PBA, naglaro rin siya sa Davao Occidental sa Maharlika Pilipinas Basketball League o MPBL.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Magnolia Hotshots sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Simon, na kinilala nilang isa sa mga huwarang manlalaro ng koponan.





