Binigyang-diin ng isang opisyal ng University of the Philippines (UP) ang kahalagahan ng sining at disenyo sa pagpapadali ng pag-unawa ng publiko sa mga komplikadong impormasyon tungkol sa agham.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dean Abdulmari Imao, dalubhasa sa sining at kultura at Dean ng UP President’s Committee on Culture and the Arts, nahihirapan ang ilang mamamayan na unawain ang agham dahil sa dami ng datos at paggamit ng mga teknikal na salita.
Dahil dito, sinabi ni Imao na mahalagang makatulong ang mga artist at designer sa pagpapaliwanag ng mga impormasyong pang-agham sa paraang mas madaling maintindihan ng publiko.
Aniya, hindi lamang mga larawan o ilustrasyon ang maaaring gamitin sa pagpapaliwanag ng agham dahil maaari ring makatulong ang dula, pelikula, dokumentaryo at panitikan.
Dagdag pa niya, nagagamit ang sining upang maiparating ang mahahalagang mensahe at mahikayat ang publiko na pahalagahan ang katotohanan at mapagkakatiwalaang impormasyon.
Sa pamamagitan nito, mas nagiging madali para sa mga tao na maintindihan ang mga komplikadong konseptong pang-agham at maiugnay ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay.







