
CAUAYAN CITY – Natunton ng mga sundalo sa pinaigting na information gathering kasama ang Focused Military Operation ng 95th Infantry Battalion Philippine Army ang abandonadong hideout ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Reina Mercedes, Maconacon, Isabela.
Naganap ito dakong alas onse ng umaga noong ikatatlo ng Enero 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na ang hideout ay tinatayang abandonado na ng dalawang buwan batay sa bakas ng mga iniwanang puwesto ng mga rebelde.
Patuloy ang pagtukoy ng militar kung saan na nagkanlong ang mga kasapi ng NPA na umalis sa kanilang hideout.
Matatagpuan ito sa masukal na bahagi ng kabundukan ng barangay Reina Mercedes, Maconacon at tinatayang 50 na NPA ang puwedeng tumira sa hideout.
Sinabi pa ni Army Capt Pamittan na patuloy ang paghina ng puwersa ng mga NPA sa Isabela dahil sa pagbabalik-loob ng mga miyembro.
Ang hinahanap na lamang nila ay ang natitirang puwersa ng Central Front Committee at regional sub-unit ng Regional Sentro de Gravidad (RSDG) ng CPP-NPA.
Batay aniya sa pagsisiwalat ng mga sumukong NPA ay posibleng hanggang 15 na lamang ang natitirang kasapi ng RSDG at Central Front Committee.
Ayon kay Army Capt. Pamittan, patuloy ang operasyon ng militar sa nasabing lugar para matunton ang mga rebelde na umalis sa kanilang hideout at lumipat ng bagong kuta.










