Isang abogado ang nagpahayag ng pagtutol sa panukalang ibaba sa sampung taong gulang ang edad ng criminal liability sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, dapat isaalang-alang ang mga ebidensiya at ang magiging epekto nito sa mga kabataan, mga anak, kapatid, pamangkin, at iba pang menor de edad na posibleng maapektuhan ng nasabing panukala.
Matagal nang panahon na mariin umano niyang tinutulan ang pagbaba ng criminal liability para sa mga bata, at mas lalong hindi siya pabor sa mas mababang edad na sampung taon.
Kabilang sa mga dahilan ng pagtutol ang hindi pagkakatugma ng panukala sa umiiral na batas kung saan 18 taong gulang ang kinikilalang may buong legal responsibility.
Dagdag pa rito, mas madaling maimpluwensiyahan ang mga bata at magamit ng mas matatanda bilang kasangkapan o accessory sa mga krimen. Malinaw rin ang ebidensiyang hindi pa ganap na nade-develop ang kakayahan ng kabataan para sa tamang paghusga at discernment.
Nanawagan siya sa pamahalaan na mas paigtingin ang pagpapatupad ng juvenile justice system.
Ayon sa kaniya, may mga proseso at parusa para sa mga batang nakagawa ng mabigat na krimen, ngunit hindi sila dapat isama sa adult prison.
Kadalasan, dumaraan sila sa restorative justice programs upang bigyan ng pagkakataon na magbago.











