--Ads--

CAUAYAN CITY- Sang- ayon ang ACT Teachers Partylist sa hakbang ng Department of Education na bawasan ng labing limang araw ang kabuuang bilang ng pasok ng mga mag-aaral sa SY 2024-2025.

Mula sa dating 180 na bilang ng regular ng pasok ng mga estudyante sa isang taon ay gagawin na lamang itong 165 na araw para sa agarang pagbabalik sa old school calendar na June to March ang SY 2025-2026.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, sinabi niya na walang problema sa kanila ang hakbang ng DepEd basta’t ang mahalaga ay masiguro ang kalidad ng edukasyon at ang kapakanan ng mga mag-aaral.

Aniya, sa susunod na school year ay mas mainam kung bawasan na lamang ang mga aktibidad sa paaralan na hindi naman gaanong kailangan at ituon na lamang ang pansin sa pagtuturo ng mga aralin.

--Ads--

Inconvenient aniya ang buwan ng Abril at Mayo para sa pag-aaral ng mga estudyante dahil sa nararanasan na matinding init ng panahon.

Hindi naman aniya maikakaila na apektado ang kalidad ng edukasyon dahil sa kabi-kabilaang suspensiyon ng face to face classes kaya dapat gumawa ng intervention ang DepEd upang makabawi ang mga mag-aaral lalo na at hindi pa natutuldukan ang learning gap sa bansa dulot ng pandemya.

Umaasa naman siya na gagamitin ng mga guro at mag-aaral ang araw ng dalawang buwang bakasyon upang makapagpahinga at makapaghanda para sa susunod na school year.