CAUAYAN CITY – Hinamon ni Police Col. Radel De Leon Ramos, Acting Director ng PNP Training Center ang mga nagtapos sa Class 2021-04 “MAHIMDALIB” na pagsilibihan ng tapat at protektahan ang mga mamamayan.
Si PCol. Ramos ang nagsilbing keynote speaker sa graduation ceremony ng 147 graduates na isinagawa sa Police Regional Office 2 sa Camp Adduru, Tuguegarao City.
Sa kanyang mensahe, binigyan niya ng inspirasyon ang mga bagong graduates para sa kanyang tatlong dekada na produktibong paglilingkod sa PNP o tinawag niyang service above-self.
Sinabi niya na kapag pumasok sa pagiging pulis ay hindi na sila pagmamay-ari ng kanilang pamilya kundi kinakailangang mag-sakripisyo para sa bayan.
Hinikayat niya ang mga bagong graduates na mga pulis na gampanan ang kanilang mga tungkulin nang buong puso at italaga ang bawat araw ng kanilang paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng badge na sumisimbolo ng katapangan, may pagmamalaki at pagpapakumbaba.
SAMANTALA, sa Valedictory Speech ni Patrolwoman Jasmin Adduru ay ibinahagi nito ang kanyang makabuluhang paglalakbay sa panahon ng kanyang Field Training Program upang maging ganap na pulis.
Sinabi niya tatlong beses sa bawat araw siya nag-eehersisyo upang malampasan ang kanilang pagsasanay.
Natutunan din niya sa kanilang training ang mahabang pasensiya o maximum tolerance at makitungo sa iba’t ibang klase ng mga tao.