Inihayag ng National Public Transport Coalition o NPTC na kahit nais ng pangulong Marcos na ituloy ang PUV Modernization Program ay mahihirapan ito dahil sa mga kwestyonableng nilalaman ng programa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Chairman at Convenor ng NPTC sinabi niya na Kongreso at Senado na ang may mga kwestyon sa PUVMP kaya mahihirapan ang administrasyon na ipagpatuloy ito.
Aniya parehong may karapatan ang nasabing mga sangay ng pamahalaan na magbigay ng kanilang panig at kwestiyonin ang nasabing programa dahil sa malaking pondong ilalaan para sa implementasyon nito.
Mas magandang gawin aniya ng administrasyon ay kausapin ang lahat ng sektor na apektado at mga sangay ng pamahalaan na magpapatupad nito upang malaman ang mga problema.
Maraming probisyon at polisiya ng PUVMP ang kwestyonable at hindi dumaan sa tamang pag-uusap ng pamahalaan at mga sektor na apektado.
Hindi aniya dapat ipilit ng pangulo ang hindi dapat dahil maraming mamamayan ang maaapektuhan.
Hindi umano sila umaayaw sa modernisasyon at tanging nais lamang nila ay maayos na panuntunan at walang naagrabyado sa programa.