CAUAYAN CITY – Kinilala ng kanyang mga kamag-anak ang kasapi ng New People’s Army (NPA) na inilibing na noong Linggo, Oktubre 27, 2019 sa municipal cemetery ng San Guillermo, Isabela.
Natagpuan ang bangkay ng NPA, isang araw matapos ang naganap sa sagupaan sa barangay San Mariano Sur, San Guillermo, Isabela noong Oktubre 22, 2019.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Lt George Dayag, OIC chief of police ng San Guillermo Police Station, sinabi niya na positibong kinilala ang kasapi ng NPA ng kanyang mga kapatid.
Ang kanyang pangalan ay Nonoy Salvador, 18 anyos at residente ng Disimungal, Nagtipunan Quirino.
Noong 2017 pa umano nila hinahanap ang kanilang kapatid na nagpaalam na magtrabaho sa isang lugar ngunit hindi na nagpakita sa kanila.
Nagpunta sila sa San Guillermo Police Station matapos nilang mapakinggan sa Bombo Radyo Cauayan ang tungkol sa Aeta na napatay sa sagupaan sa nasabing lugar at iniwan ng mga kasamang rebelde.












