Biniberipika na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na nag-re-recruit umano ng mga Pilipino ang Ukraine para sumabak sa giyera kontra sa bansang Russia.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, kumakalat ang mga maling impormasyon ngayon kung kaya’t maingat ang ahensya sa pag-assess sa nasabing impormasyon na lumalabas.
Binigyang diin naman ni Padilla, na nauna nang itinanggi ng embahada ng Ukraine at Germany sa Manila ang nasabing mga balita.
Sagot ito ni Padilla mula sa pahayag ni Russian Foreign Ministry Spokesperson Maria Zakharova na kumukuha ng mga Pilipino para sa partisipasyon sa hanay ng sandatahang lakas ng Ukraine.
Na kung saan ay bibigyan din umano ng Schengen visa sa embahada ng Germany sa Pilipinas.
Dahil dito ayon kay Padilla, nakikipagugnayan na sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) para sa nasabing isyu.











