CAUAYAN CITY – Kinilala ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa kanyang pagbisita ang nagampanan ng 5th Infantry Division Philippine Army para tapusin ang insurhensiya sa kanilang nasasakupan.
Kasabay nito ay personal na iniabot ng AFP Chief of Staff ang dalawang milyong pisong cash bilang reward kay LtCol. Ali Alejo, ang commanding officer ng 86th Infantry Batallion na nakabuwag at nakapatay sa kilalang commander ng NPA sa Rehiyon na si Ka Yuni.
Magugunitang nasawi si Ka Yuni sa isang engkwentro sa pagitan ng mga rebeldeng grupo at ng tropa ng 86th IB sa San Mariano Sur, San Guillermo Isabela.
Ibinigay ng pangulong Duterte ang reward money sa mga concerned personnel/units na nakapatay kay Ka Yuni upang magkaroon din ng inspirasyon ang iba pang ipagpatuloy ang paggampan sa kanilang tungkulin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Major Jekyll Dulawan ang DPAO Chief ng 5ID, sinabi niya na ang pagkaneutralize sa grupo ni Ka Yuni ay hindi lamang accomplishment ng 5ID kundi lahat ng mamamayan sa Rehiyon Dos.
Aniya malaking kabawasan ito sa moral ng mga rebeldeng grupo dahil maituturing na high value personality si Ka Yuni sa kilusan.
Sa naging pagpapahayag ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana, sinabi niya na sa sitwasyon ngayon ng paglaban ng pamahalaan sa insurhensiya at sa natitirang panahon ng administrasyong Duterte ay positibo siyang matatapos o mababawasan ang lakas ng CPP-NPA at hindi na makapanggulo pa sa bansa.
Aniya hindi na lamang ang mga uniformed personnel ang umaaksyon dahil maging ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan at mga mamamayan ay gumagawa na rin ng aksyon upang matigil na ang karahasang dulot ng insurhensiya.
Ayon pa kay Lt.Gen. Sobejana, malaking tulong ang suporta at pagtutulungan ng lahat upang makamit ng bansa ang matiwasay na pamumuhay.