--Ads--

Inaasahan ng ilang mga residente ng San Francisco, Cauayan City ang agarang aksyon ng Lokal na Pamahalaan upang ipasemento ang rough road o baku-bakong kalsada sa San Francisco-Rizal Road.

Ang naturang kalsada ay nagsisilbing alternatibong ruta ng mga morista mula West Tabacal tuwing hindi nadadaanan ang Sipat Bridge lalo na ngayon na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaan ng mga malalaking sasakyan sa nabanggit na tulay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Heherson Miranda ng barangay San Francisco, sinabi niya na ang road construction sa kanilang barangay ay sinimulan na subalit hindi pa rin natatapos.

Aniya tatalong phase na ang nasemento sa kanilang lugar na malaking tulong sa kanilang lugar maliban na lamang ang daan sa San Francisco-Dabburab na nasa isang kilometro pa ang hindi nasesemento habang sa San Francisco-Rizal naman ay tinatayang nasa 1.5 kilometers pa ang nananatiling rough road.

--Ads--

Madalas din aniya itong bina-back fill at pinapantay ng bato upang hindi lubak-lubak subalit dahil sa laki at bigat ng mga dumadaang sasakyan ay agad-agad din itong nasisira.

Malaking problema rin aniya ito sa mga taga-West Tabacal na madalas dumadaan sa mga nabanggit na kalsada lalo pa at may mga nasisiraan o nababalaho tuwing dumaraan doon.

Bagaman may pangako na ang lokal na pamahalaan ay inaasahan naman ipa-prioritize pa rin ito upang mas maging magaan para sa mga motorista lalo na ngayon na may mga road rerouting sa lungsod.