--Ads--

CAUAYAN CITY – Malinaw umanong indikasyon ang agarang pagkakadakip kay Dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa Indonesia na maganda ang ugnayan ng mga Kapulisan ng Pilipinas at ng naturang bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na dito makikita na napakahalaga ng ugnayan ng mga bansa sa ASEAN pagdating sa ganitong mga sitwasyon.

Sa kabila nito ay kinakailangang paigtingin ng pamahalaan ang mga entrance at exit points ng bansa upang masiguro na wala nang makatas at makapasok sa bansa sa ilegal na proseso kagaya ng ginawang paglabas ng bansa ni Guo at ng mga umano’y kapatid nito.

Dapat ngayon pa lang ay nagpupulong na ang Bureau of Immigration, PNP at iba pang mga ahensya para masiguro na wala nang makakalusot pa sa susunod.

--Ads--

Kailangan aniyang magpatuloy ang pagiging masigasig ng pamahalaan partikular sa pagpapanagot sa mga may sala.

Panigurado aniyang kinakabahan na ang mga matataas na opisyal na kasabwat ni Guo lalo na kapag nasampahan na ng reklamo sa korte ang dismissed na Alkalde.

Dapat lang aniyang mapanagot ang mga opisyal na nakinabang sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO na pugad ng mga iligal na aktibidad sa bansa.