--Ads--

CAUAYAN CITY – Inimbitahan ng Department of Agriculture o DA Region 2 ang mga mango growers at producers na magbenta sa Kadiwa Pop-up Store ng pangulo.

Ito ay matapos na kumalat ang video ng pagtatapon ng ilang magsasaka ng inaning mangga dahil sa dami ng suplay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Ma. Rosario Paccarangan ng DA Region 2 sinabi niya na kailangan lamang ipaalam ng mga growers at producers kung gaano kadami ang kanilang mangga na ibebenta sa Kadiwa Store.

Ayon kay Paccarangan, maaring dalhin ng mga growers ang kanilang produkto sa Kadiwa Pop-up store ng pangulo na nagbubukas tuwing araw ng martes sa bahagi ng Cagayan.

--Ads--

Iginiit naman niya na mataas pa rin naman ang presyo ng per kilo ng mangga na nasa 40-60 pesos at may ilang 80 pesos pa ang per kilo.

Marami talaga aniyang ani ngayon sa mangga dahil maging sa ibang rehiyon ay mayroon nang tumigil sa pagbili o nag-stop buying.

Maari aniyang overripe na ang mga manggang itinapon ng mga magsasaka at iginiit niya na maraming pwedeng gawin sa mangga tulad ng mango shake at ice candy.

Tiniyak naman niya ang tulong mula sa Agribusiness and Marketing Assistance Division o AMAD ng DA Region 2 lalo sa pagbebenta ng aning mangga ng mga magsasaka.

Maari rin silang magbigay ng logistics support upang maibyahe ang mga aning mangga mula sa mga malalayong lugar at upang maibenta ito sa merkado.

Maari namang tumawag ang mga growers o producers sa kanilang numerong 09171167259 para sila ay matulungan ng tanggapan.

Inihayag pa niya na kamakailan lamang ay isang grower ang kanilang natulungang magbenta ng kanyang aning produkto gamit lamang ang social media.