CAUAYAN CITY – Isinagawa ang Regional Food Security Summit sa Amphitheater ng Panlalawigang Kapitolyo sa Lunsod ng Ilagan na dinaluhan ng mga kinatawan ng Department of Agriculture (DA) Department of the Interior and Local Government (DILG) Department of Trade and Industry (DTI), National Irrigation Administration (NIA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at iba pang national agencies kabilang na ang ilang state university.
May mga kinatawan din ang hanay ng mga magsasaka, farmers cooperative, negosyante, youth at academic sector.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na napag-usapan sa summit ang kasalukuyang sitwasyon ng agricultural industry sa rehiyon at ipinakita ang sitwasyon at efficiency level ng commodities na nasa rehiyon dos pangunahin na ang palay, mais, high value crops at livestock.
Ayon kay Ginoong Edillo, positibo pa rin ang paglago ng agrikultura sa rehiyon sa kabila na maraming kalamidad na dumaan bagamat mas mababa ang produksiyon kung ihahambing sa mga nagdaang taon.
Inaasahan ang pagtaas ng produksiyon ng palay at mais sa dry season dahil mas maganda ang ani ngayong cropping season.
Tinalakay din sa Regional Food Security Summit ang mga plano sa sektor ng agrikultura ngayong taon tulad ng pagbibigay ng prayoridad sa mga sektor na kulang ang pondo at epekto ng climate change sa sektor ng agrikultura.
Maliban sa mga high value crops ay plano rin ng DA ang pagpapaunlad sa pagtatanim ng monggo.
Dahil pinakamalaking produksyon ng rehiyon ang mais ay hinihikayat ng DA ang mga magsasaka na mag-alaga rin ng livestock bilang pandagdag sa pinagkakakitaan.
Malaking tulong din ito sa produksiyon ng mais dahil maaaring ito ang dagdag na ipakain sa mga alagang hayop.
Ang mga tinalakay at napagkasunduan sa Food Security Summit ay ipiprisinta sa gaganaping National Food Security Summit sa huling bahagi ng Abril 2021.













