--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip sa entrapment operation ang isang ahente dahil sa pagbebenta ng pekeng sigarilyo sa Villaluz, Delfin Albano, Isabela.

Ang suspek ay si Jerry Mamauag, 33 anyos agent, may asawa at residente ng Santa, Tumauini, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Richard Limbo, hepe ng Delfin Albano Police Station, nakatanggap ang kanilang himpilan ng reklamo kaugnay sa pagbabalik ng mga sibilyan sa nabili nilang sigarilyo sa isang tindahan dahil sa hindi magandang lasa.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng monitoring at pakikipag-ugnayan ang mga kasapi ng Delfin Albano Police Station sa ahente ng mga siragilyo matapos na dumulog sa kanilang himpilan ang may-ari ng tindahan.

--Ads--

Batay sa pakikipag-ugnayan nila sa kumpanya na nagsusuplay ng sigarilyo sa lalawigan, kinumpirma nila na peke ang mga sigarilyo dahil sa pare-parehong label o serial number ng mga ito.

Napatunayan ding peke ang mga ito dahil walang naipakitang kaukulang dokumento ang pinaghihinalaan.

Nakuha sa suspek ang pitong ream at 20 pakete ng iba’t ibang brand ng  sigarilyo, isang bagpack na nagkakahalaga ng higit 9,000 pesos, mga resibo, P1,608 na pera at isang motorsiklo.

Batay sa kanilang assessment, walang posibleng malaking pagawaan ng pekeng sigarilyo sa lalawigan dahil maliitan at bago lamang ang operasyon ng suspek.

Sa ngayon ay nasampahan na si Mamauag ng kasong Republic Act 8293 o Intellectual property Code of the Philippines.

Hinikayat naman ni PMaj. Limbo ang mga mamamayan na ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa kapulisan upang mapigilan ang mga iligal na gawain.

Ang pahayag ni PMaj Richard Limbo