--Ads--

Maghahain ng request si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa Anti-Money Laundering Council  upang i-freeze ang mga air assets ni Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co.

Ito ay matapos ma-diskubre na umabot na sa halos ₱5 bilyon ang halaga ng mga air assets na konektado umano kay Co, kabilang ang mga eroplano at helicopter na nakarehistro sa iba’t ibang kompanya na inuugnay sa kanya.

Ayon kay Dizon, mismong ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang nagbigay ng ulat hinggil sa 11 aircraft na nakarehistro sa mga kumpanyang tulad ng Misibis Aviation, Hightone Construction Development Corporation, at QM Builder.

Ang kabuuang halaga ng mga ito ay nasa ₱4.7 bilyon kung saan ito ay isinumite na sa Department of Justice (DOJ), Inter-Agency Council on Infrastructure (ICI), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa agarang aksyon.

--Ads--

Sinabi ni Dizon na malinaw na hindi kayang kitain ng isang kongresista ang ganitong kalaking halaga mula lamang sa kanyang opisyal na sahod o tungkulin bilang mambabatas.

Ipinaliwanag din ng kalihim na ang direktiba ng Pangulo ay hindi lang panagutin ang mga tiwaling opisyal kundi bawiin din ang mga ari-arian at yaman na pinaniniwalaang galing sa kaban ng bayan.

Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang DPWH sa DOJ at ICI para tiyakin ang monitoring kay Co, na kasalukuyang nasa ibang bansa.