--Ads--

Ipinasara ng Spain ang kanilang air space sa mga eroplano ng Estados Unidos na kasangkot sa digmaan sa Iran, ayon kay Defense Minister Margarita Robles nitong Lunes. Ito ay bahagi ng mas matinding pagtutol ng pamahalaan sa pakikilahok ng U.S. at Israel sa sigalot sa Gitnang Silangan.

Nauna nang ipinahayag ni Prime Minister Pedro Sánchez na hindi maaaring gamitin ng U.S. ang mga base militar na pinamamahalaan ng dalawang bansa para sa operasyong may kaugnayan sa Iran. Tinawag ni Sánchez ang naturang digmaan bilang illegal, reckless, at unjust.

Ayon kay Robles, “Mula’t sapul ay malinaw na ipinaabot sa puwersang Amerikano na hindi pinahihintulutan ang paggamit ng mga base, at gayundin ang paggamit ng himpapawid ng Spain para sa anumang aksyon kaugnay ng digmaan sa Iran.”


Isa si Sánchez, isang kilalang lider ng kaliwang pakpak sa Europa, sa pinakamalakas na tinig laban sa aksyon ng U.S. at Israel sa Gitnang Silangan.

--Ads--

Tinuligsa rin niya ang digmaan sa Gaza, na nagdulot ng paulit-ulit na batikos mula sa pamahalaan ng Israel.

Matapos ipagbawal ang paggamit ng mga base militar sa Rota at Morón, nagbanta si U.S. President Donald Trump na puputulin ang kalakalan sa Madrid.


Noong nakaraang taon, tumanggi ang Spain na itaas ang gastos sa depensa ayon sa kasunduan ng NATO na pinilit ni Trump. Sa halip, sinabi ng pamahalaan ni Sánchez na sapat na ang paggastos ng 2.1% ng GDP sa depensa, kumpara sa 5% na target ng alyansa.

Tinawag ni Robles ang digmaan sa Iran bilang “malalim na ilegal at lubos na hindi makatarungan”, at iginiit na malinaw ang posisyon ng Spain laban dito.