--Ads--

Lalong lumala ang sigalot sa pagitan ng Thailand at Cambodia matapos ang serye ng sagupaan sa anim na lugar sa kanilang border ngayong araw ng Huwebes.

Naglunsad ng air strikes ang Thailand gamit ang anim na F-16 fighter jets mula sa Ubon Ratchathani at tinarget ang dalawang kampo ng militar ng Cambodia, ayon sa Royal Thai Army.

Nagsimula ang insidente nang mamataan ng mga sundalong Thai ang isang unmanned aerial vehicle ng Cambodia na lumilipad malapit sa Ta Muen Thom temple ruins sa Surin dakong alas-7:35 kaninang umaga.

Makalipas ang ilang minuto, anim na sundalong Cambodian ang lumapit sa bakod ng kampo ng Thai military, armado ng mabibigat na sandata tulad ng rocket-propelled grenades.

--Ads--

Sinubukan ng mga sundalong Thai na pigilan ang posibleng sagupaan, subalit dakong alas-8:20 ng umaga ay nagpaputok na ang panig ng Cambodia sa direksyon ng Moo Pa military base, na 200 metro ang layo mula sa templo.

Inakusahan ng Thai army ang mga pwersa ng Cambodia na gumamit ng artillery mula sa mga lugar na tinitirhan ng mga sibilyan, na tila ginawang panangga ang mga ito. Umabot sa templo ang mga putok ng kanyon dakong alas-8:50 ng umaga, at lumala pa ang bakbakan sa paggamit ng mabibigat na baril. Isa naman sa mga sundalong Thai ang nasugatan.

Dakong alas-9:40 ng umaga, pinaputukan ng Cambodia ang Don Tuan temple ruins sa Si Sa Ket gamit ang BM-21 rocket launchers. Makalipas ang 15 minuto, tinarget naman ang isang residential area malapit sa border development center sa Kap Choeng, Surin, kung saan tatlong sibilyan ang naiulat na sugatan. Dahil dito, agad na nagsagawa ng pre-emptive evacuation ang mga awtoridad.

Ang sagupaan ay kasunod ng insidente nitong Miyerkules kung saan limang sundalong Thai ang nasabugan ng landmine malapit sa Chong An Ma border crossing sa Ubon Ratchathani. Isa sa kanila ang naputulan ng paa. Sinasabing ang mga landmine ay kamakailan lamang itinanim ng Cambodia.

Dahil sa insidente, agad na iniutos ng 2nd Region Army commander Lt. Gen. Boonsin Padklang ang pagsasara ng hangganan at ang pagpapasara sa Ta Muen Thom temple ruins.

Sa panig naman ng Cambodia, sinabi ni Prime Minister Hun Manet na unang umatake ang Thailand sa mga posisyon ng militar ng Cambodia malapit sa mga templo ng Preah Vihear at Ta Krabei sa Oddar Meanchey province. Ayon sa pamahalaan ng Cambodia, napilitan silang gumanti sa pag-atake ng Thailand.

Samantala, pinalayas ng gobyerno ng Thailand ang Cambodian ambassador, habang ipinatawag pabalik ang kanilang ambassador mula sa Phnom Penh.

Kasalukuyang binibigyang-impormasyon ng Bangkok ang mga foreign military attachés at diplomats, at nananawagan ng aksyon sa ilalim ng United Nations Anti-Personnel Mine Ban Convention. Pinagsisikapan din ng dalawang bansa na maresolba ang tensyon sa pamamagitan ng bilateral agreement.

Bagaman may matagal na kasaysayan ng alitan sa border ang Thailand at Cambodia, nanatiling kalmado ang relasyon ng dalawang bansa mula noong 2011 conflict.

Noong Mayo, nanawagan ang Cambodia sa International Court of Justice sa paglutas sa apat na pinagtatalunang lugar, ngunit tinanggihan ng Thailand ang hurisdiksyon ng korte sa usapin.