Naka-disenyo para sa rugged terrain ang eroplanong nag-emergency landing sa isang maisan sa Reina Mercedes, Isabela kahapon, ika-31 ng Agosto.
Ang naturang aircraft ay isang Australian made GippsAero GA8-Airvan na pagmamay-ari ng WCC at nag-o-operate bilang Sky Pasada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Denmark Suede, Licensed Pilot, sinabi niya na hindi nakakapagtaka na nagawang makapag-land ng naturang eroplano sa isang maisan dahil ito ay isang uri ng eroplano na kayang mag-take off at mag-land kahit hindi sementado.
Kadalasan aniya itong ginagamit sa mga missionary flights na madalas nagtutungo sa mga liblib na lugar na walang sementadong runway.
Ito umano ang isa sa mga dahilan kung bakit buo ang gulong at katawan ng naturang eroplano kahit pa sa maisan ito nag-landing dahil balewala lamang ito para sa ganoong uri ng aircraft.
Gayunman ay humanga pa rin si Suede sa husay ng execution ng Piloto.
Aniya, ang pinaka-delikadong parte ng flight ay ang pag-take off at kapag nawalan ng power ang eroplano below 300ft ay mahihirapan na ang Piloto na maghanap ng ligtas na lugar na paglalandingan.
“The higher the aircraft, the better kasi mayroon pang panahon na maghanap ng clearing,” ani Suede.
Malaking bagay din na nangyari ang aberya sa kapatagan dahil malaki umano ang posibilidad na hindi na makaligtas ang mga lulan nito kung nangyari ito sa kabundukan.
Bagaman hindi maiiwasan ang mga aksidente sa himpapawid ay binigyang diin nito na pinaka-ligtas pa ring mode of transportation ang eroplano batay na rin aniya sa statistics.





