Pinasalamatan ng AK9 Mandog Sniffer Volunteer Organization ang kanilang mga naging katuwang sa operasyon pangunahin na ang Incident Management Team na nagbigay sa kanila ng briefing bago magtungo sa crash site.
Ayon kay Ret. Col. Red Oliva Lim matapos malaman ang mga impormasyon at datos ay agad silang naghanap sa 20 meter radius ng crash site noong ikasiyam ng Disyembre ngunit itinigil na nila ng hapon dahil madilim na sa lugar at matatarik ang bangin sa area.
Itinuloy nila ito kinaumagahan sa oras na alas siete at makalipas ang dalawang oras ay nahanap na ang bangkay ng pasahero sa pamamagitan ng scent-tracking dog na si Wheel.
Ayon kay Ret. Col. Lim, si Wheel ay walong taong gulang na beagle na itinuturing nilang Alpha o pinakamagaling bagamat siya ang pinakamaliit sa kanilang tracking dogs dahil ilang beses na itong nakapagbigay ng positibong resulta sa kanilang mga operasyon.
Kasama ni Wheel ang dalawa pang tracker dogs na sina Kobe at Drake, at kanilang handlers na sina Bench Gliceth Espiritu, John Louie, Jhimwell Malvar, Josh Marajas, Michael Gambino at Christopher Ipo.
Pinasalamatan din niya ang mga rescuers mula sa PDRRMO Isabela at Search and Rescue Unit ng Bureau of Fire Protection na katulong nila sa operasyon.
Nanawagan naman siya sa mga kabataan na nais matuto o sumali sa AK9 MANDOG Sniffer Volunteer Organization.
Tiniyak niya na libre ang pagsasanay at ang kailangan lamang ay ang pagpapahalaga sa gagawing pagtulong sa kapwa at determinasyon upang makatulong.











