CAUAYAN CITY- Iniulat ng Cordon Police Station na patuloy na nakakapagtala ang himpilan ng mga vehicular accident sa kabila ng mga ginagawa nilang hakbang.
Kung matatandaan nito lamang Martes ay nagkaroon ng banggaan ng refrigerated van at elf truck na may kargang pakwan sa Barangay Quirino sa nasabing bayan.
Giit ng PNP, tuloy tuloy ang ginagawa nilang mga hakbang upang mabawasan ang naitatalang disgrasya.
Uyon kay Capt. Federico Tulay ang Deputy chief of Police ng Cordon Police Station, isa sa tinitignang dahilan ng mga awtoridad ay ang magandang kalsada na mayroon ang Cordon.
Aniya, ito marahil ang dahilan kaya marami sa mga motorista ang mabilis ang patakbo na minsan ay nagreresulta ng kawalan ng kontrol.
Idagdag pa rito ang pag ulan na nararanasan na nagpapadulas sa kalsada na siya ring nagdudulot ng aksidente.
Tuloy tuloy din ang ginagawang tie up ng PNP sa mga concern agencies para makapagsagawa ng information drive sa mga motoristo.
Bukod pa ito sa ginagawang regular na checkpoint sa mga lansangan upang mapababa ang kaso ng aksidente sa lansangan.
Ayon sa Deputy Tulay, gateway palabas ng Isabela ang kanilang bayan kaya madami ang dumadaan na ibat ibang klase ng sasakyan.
Nanawagan ito sa mga motorista na mag ingat sa pagpapatakbo at mas piliing huminto kung nakakaramdam ng antok.











