CAUAYAN CITY – Pinakamaraming naitatalang insidente ng Naguilian Police Station ang mga aksidente sa pambansang lansangan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Federico Tulay, Deputy Chief of Police ng Naguilian Police Station, sinabi niya na dahil sa magandang kalsada sa bayan ng Naguilian ay hindi rin maiwasan ang mga aksidente dahil sa mabilis na patakbo ng mga motorista.
Aniya, napailawan na ang halos buong pambansang lansangan na sakop ng Naguilian at mayroon na ring mga solar lights sa linya ng kalsada na umiilaw tuwing gabi.
Diretso at maluwang din ang daan sa bahagi ng Brgy. Palattao na itinuturing na accident prone area kaya hindi maiwasan ng mga motorista ang magmaneho ng mabilis.
Dahil sa mabilis na patakbo ay nawawala sa kontrol ang mga tsuper na nagsasanhi ng aksidente.
Ayon kay PCapt. Tulay, nagpapatunay ito na kulang sa disiplina ang ilang motorista.
Aniya, patuloy ang Naguilian Police Station sa pagsasagawa ng intervention tulad ng pagdeploy ng mga kapulisan sa lansangan upang magbigay ng babala sa mga motorista na mag-ingat sa pagbaybay sa lansangan.
May mga nakalagay na ring signages sa mga accident prone areas.
Nagpapatuloy naman ang kanilang Project Kalsada na paraan ng pulisya upang maipakalat ang mga impormasyon tungkol sa tamang paggamit sa mga lansangan at upang maiwasan na ang mga aksidente.
Nagsasagawa rin sila ng symposium sa mga barangay upang mapangaralan ang mga mamamayan sa batas trapiko.