--Ads--

Dumarami ang mga naitatalang aksidente sa lansangan tuwing Semana Santa kaya mas pinaigting ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Santiago ang pagbabantay sa mga pangunahing kalsada sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Julius Agustin ng LDRRMO Santiago, sinabi niya na madalas ang aksidente sa ganitong panahon dahil sa pagdagsa ng mga motorista at biyahero, lalo na sa mga ruta patungo sa mga pasyalan at simbahan. Paiigtingin nila ang road monitoring, patrolling, at koordinasyon sa pulisya at mga opisyal ng barangay upang agad na matugunan ang anumang insidente.

Kasama rin sa plano ng LDRRMO ang paglalagay ng mga traffic enforcers sa mga delikadong kalsada, pagtiyak na may sapat na medical at rescue teams sa strategic areas, at pagbibigay ng paalala sa publiko tungkol sa kaligtasan sa biyahe, kabilang ang pagsunod sa speed limits, paggamit ng seatbelt, at pag-iwas sa pagmamaneho ng nakainom.

Binibigyang-diin ng ahensya na ang maagang paghahanda at mahigpit na pagbabantay ay makakatulong upang mabawasan ang panganib ng aksidente at masiguro ang ligtas na paggunita sa Semana Santa para sa lahat.

--Ads--

Pinaalalahanan din niya ang mga motorista na iwasan na ang pag-inom ng alak at pagmamaneho ng nakainom upang makaiwas sa aksidente.