--Ads--

CAUAYAN CITY- Nananatili umanong mapayapa ang bayan ng Aurora kung saan vehicular accident lamang ang madalas maitala sa naturang bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCPT. Rogie Telan, Deputy Chief of Police ng Aurora Police Station, sinabi niya na kadalasang self accident sa kalsada na pawang naitatala sa pambansang lansangan maging sa mga provincial o barangay roads.

Hindi naman aniya sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho at ugaliing magsuot ng protective gear pangunahin na ang helmet.

Maliban dito ay nakapaghain aniya sila ng pitong warrant of arrest para sa buwan ng Hunyo at Hulyo na kinabibilangan ng mga kasong Qualified Theft, Attempted Homicide, Child Abuse at dalawang kaso ng Homicide.

--Ads--

Puspusan naman ngayon ang kanilang pagbabantay sa mga paaralan pangunahin na ang pagpasok at pag-uwi sa bahay ng mga estudyante.

Tinututukan din nila ang mga tricycle drivers na pinapayagang sumakay sa taas ng tricycle ang mga estudyanteng pasahero dahil lubha itong delikado sa kaligtasan ng mga bata.  

Sa ngayon ay wala pa naman silang nahuhuli ngunit kung sakali man na may makita sila na nagpapasakay sa taas ng tricycle ay bibigyan nila ito ng ticket mula sa Land Transportation Office (LTO).

Pinaalalahanan naman niya ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak at laging paalalahanan upang makaiwas sa anumang kapahamakan.