Mariing itinanggi ng mga dating kinatawan ng Makabayan Bloc ang alegasyong sila’y tumanggap ng male-maletang puno ng pera mula kay dating Cong. Zaldy Co.
Ito ay kinabibilangan nina Party-list Rep. France Castro (ACT Teachers), Rep. Arlene Brosas (Gabriela Women’s Party), at Rep. Raoul Manuel (Kabataan).
Ayon sa kanilang joint statement, ang nasabing alegasyon ay isang malisyosong tsismis na naglalayong ilihis ang pansin ng publiko mula sa mga kasalukuyang imbestigasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) at sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ng mga dating Makabayan lawmakers na malinaw ang kanilang track record na hindi nagpapayaman o nagsasamantala sa puwesto. Anila, ang pagkalat ng alegasyon ay isang taktika na kadalasang ginagamit upang siraan ang mga nagbubunyag ng katiwalian at lumalaban para sa hustisya.
Giit nila na kitang-kita ang nakagawiang Duterte playbook na umaatake sa mga tumutukoy ng ebidensya laban sa mga Duterte sa halip na harapin ang mga ito.
Kumpyansa sina Castro, Brosas, at Manuel na hindi maloloko ng mga Duterte ang mamamayang Pilipino at naniniwala silang mananagot ang mga sangkot sa katiwalian, anuman ang klaseng paninira o banta na ipakalat laban sa kanila.











