--Ads--

Kinapos si Alexandra “Alex” Eala matapos itong matalo kay Wang Xinyu ng China, 7-5, 5-7, 4-6, sa semifinals ng ASB Classic noong Enero 10 sa Auckland.

Mabagal ang simula ni Eala matapos mabaon sa 0-4 sa opening set, ngunit nakabawi siya at nanalo ng pito sa sumunod na walong games upang maagaw ang unang set. Bumawi naman si Wang sa second set matapos burahin ang 3-5 deficit at dominahin ang huling apat na games para ipuwersa ang deciding third set.

Humingi si Eala ng medical timeout dahil sa back issue habang nasa 0-3 deficit sa final frame. Nakahabol pa siya hanggang 4-5 matapos samantalahin ang ilang errors ni Wang, ngunit nakuha ng seventh seed ang kinakailangang finishing touches upang selyuhan ang panalo.

Samantala, umusad sa finals si Wang at haharapin ang mananalo kina Elina Svitolina ng Ukraine at Iva Jovic ng USA. Matatandaang nakatambal din ni Eala si Jovic sa doubles, kung saan nabigo rin silang umabante sa semifinals.

--Ads--

Tinapos ni Eala ang kanyang unang tournament ngayong taon at susunod na sasabak sa Kooyong Classic sa Melbourne, Australia, matapos ang makasaysayang 2025 season kung saan pumasok siya sa WTA Top 100 at nakuha ang kanyang unang WTA 125 title.