--Ads--

Magsisimula na ang paghahanda ng Filipina tennis star na si Alex Eala para sa isa na namang Grand Slam tournament — ang US Open — sa pamamagitan ng kanyang paglahok sa prestihiyosong National Bank Open sa Canada.

Gaganapin ang torneo mula Hulyo 26 hanggang Agosto 7.

Ang National Bank Open ay kabilang sa WTA-1000 level tournaments at magsisilbing preparasyon ni Eala para sa US Open na nakatakdang simulan sa Agosto 24 hanggang Setyembre 7.

Kasama si Eala, na kasalukuyang nasa ika-56 na pwesto sa rankings, sa main draw ng torneo. Kakaharap niya ang ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo gaya nina Aryna Sabalenka ng Belarus, Jessica Pegula at Coco Gauff ng Estados Unidos, Iga Swiatek ng Poland, at Jasmine Paolini ng Italy — lahat ay kabilang sa kasalukuyang Top 5 ng WTA.

--Ads--

Matatandaang nakasali na si Eala sa French Open at Wimbledon, ngunit nabigo siyang makapasok sa mga huling yugto. Gayunpaman, umabot siya sa finals ng Lexus Eastbourne Open.

Nauna nang sinabi ni Eala na pansamantala siyang magpapahinga sa bansa bago simulan muli ang kanyang training para sa torneo sa Canada.