Isasara na mula ngayong araw ang Alicaocao Bridge para sa lahat ng uri ng sasakyan dahil sa pagsisimula ng rehabilitasyon para kumpunihin ang nabutas na bahagi ng tulay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edward Lorenzo ng City Engineering Office, sinabi niya na dahil sa nakitang butas sa alicaocao Bridge ay agad nilang hiniling ang pansamantalang pagsasara ng tulay para bigyang daan ang rehabilitasyon.
Aniya puntirya nilang matapos ang pagsasaayos sa sirang bahagi ng tulay bago ang pagbubukas ng klase.
Ang rehabilitasyon ay tatapusin sa loob ng isang Linggo, gagamit ang City Engineering Office ng Early Maturing concrete para sa mabilisang pagtuyo ng semento.
Ang Early Maturing cement ay kasing tibay lamang din aniya ng mga normal maturing cement.
Dagdag pa niya na ang rehabilitasyon ay may nakalaang pondo na 800,000 pesos.
Mula bukas June 2 ay isasara na ang Alicaocao Bridge upang maagapan ang lalong pagkasira ng tulay.
Sa panahon aniya ang closure ay maglalaan sila ng maliit na espasyo para sa mga maglalakad na pasahero papunta sa kabilang bahagi ng ilog kung nasaan ang mga bangka.
Sa loob ng isang Linggo na curing stage ng semento ay paiikutin ang lahat ng mga sasakyan sa bahagi ng Naguilian.
Aasahan na rin na sa muling pagbubukas ng Alicaocao Bridge ay hindi na lahat ng mga uri ng sasakyan ay makakadaan.
Ito ay dahil mahina na ang tulay at ang tanging ginagawa lamang nila ngayon ay pansamantalang solusyon para mapatagal pa ito habang ginagawa pa ang all weather bridge sa bahagi ng Sta. Luciana.
Paalala niya na tanging passenger vehicle lamang ang prayoridad at papahintulutan sa tulay gaya ng tricycle, motorsiklo,mga kotse at elf na may timbang na limang tonelada pababa.
Sa makatuwid ipagbabawal na ang lahat ng uri ng cargo vehicle sa tulay kaya pananatilihin nila ang inilagay na re-enforced vertical clearance para patuloy na momonitor ang mga dumadaang sasakyan.
Hinihiling nila ngayon ang kooperasyon ng lahat ng mga residente at motorista sa East Tabacal at Forest Regions na maapektuhan ng bridge closure.











